Tagalog Bibles (BIBINT)
^KOκVρΉ
Hebreo 3
Si Jesus ay Higit na Mahalaga Kaysa kay Moises
1Kaya nga, mga banal na kapatid, kayong kabahagi sa tawag na makalangit, magtuon kayo ng inyong pag-iisip kay Jesus na siyang apostol at pinakapunong-saserdote na aming ipinahahayag. 2Kung paanong si Moises ay matapat sa lahat ng sambahayan ng Diyos ay gayundin naman si Jesus ay tapat sa nagsugo sa kaniya. 3Sapagkat nasumpungan siyang higit na karapat-dapat na parangalan kaysa kay Moises. Katulad din naman sa nagtayo ng bahay, ay dapat na higit na parangalan kaysa sa bahay. 4Sapagkat may gumagawa ng bawat bahay ngunit ang Diyos ang gumagawa ng lahat ng bagay. 5At si Moises ay totoong naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin pa lamang. 6Ngunit si Jesus ay ang anak na namamahala sa kaniyang bahay at ang bahay na ito ay tayo, kapag mananangan tayong may katatagan hanggang sa katapusan sa katiyakan at sa magpapapuri ng ating pag-asa.
Babala Laban sa Hindi Pananampalataya
7Iyan ang dahilan kaya sinabi ng Banal na Espiritu:
Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang
tinig, 8huwag ninyong pagmatigasin ang
inyong mga puso, gaya ng inyong ginawa nang
kayo ay maghimagsik, noong panahon nang
kayo ay sinubok sa ilang. 9Doon ako ay tinukso
at sinubok ng inyong mga ninuno at nakita nila
ang aking mga gawa sa loob ng apatnapung
taon. 10Kaya nga, ako ay nagalit sa lahing iyan.
At aking sinabi: Ang kanilang mga puso ay
laging naliligaw at hindi nila nalaman ang aking
daan. 11Kaya nga, sa aking pagkapoot,
sumumpa ako: Hindi sila makakapasok sa lugar
ng kapahingahan na aking inihanda.
12Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang isa man sa inyo na may masamang puso na hindi sumasampalataya na magpapalayo sa inyo sa buhay na Diyos. 13Ngunit samantalang ito ay tinatawag na ngayon, hikayatin ninyong may katapatan araw araw ang isat isa upang hindi patigasin ng daya ng kasalanan ang puso ng sinuman sa inyo. 14Sapagkat tayo ay naging mga kabahagi ni Cristo kung ang pagtitiwalang natamo natin sa pasimula pa ay pananatilihin nating matatag hanggang sa katapusan. 15Katulad ng sinabi ng mga kasulatan:
Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang
tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga
puso na inyong ginawa nang kayo ay maghimagsik.
16Sapagkat ang ilang nakarinig ay naghimagsik. Ngunit hindi naghimagsik ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto. 17At kanino siya nagalit sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba doon sa mga nagkasala at ang kanilang mga katawan ay nabuwal sa ilang? 18At sa kanino siya sumumpa na hindi sila makapasok sa kaniyang kapahingahan? Hindi ba sa kanila na mga sumuway? 19Kaya nga, nakikita natin na dahil hindi sila sumasampalataya, hindi sila nakapasok sa kapahingahan.
Tagalog Bible Menu